Dumating ang imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa bayan ng Odiongan, Romblon dakong umaga ng Oktubre 25, 2023 mula sa Quiapo, Manila sakay ng barkong 2GO Travel.
Mainit na tinanggap ng mga Odionganon ang pagdalaw ng Poong Hesus Nazareno na diretsong dinala sa dambana ng Parokya ni San Vicente Ferrer ng Odiongan kung saan ay dinagsa ito ng mga deboto na sabik na naghintay sa pagdating ng mapaghimalang imahen sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ginanap rin ang prusisyon na umikot sa buong bayan ng Odiongan, Romblon noong dakong 5:00 ng hapon ng naturang araw. Nagkaroon din ng motorcade papunta sa Barangay Panique at pabalik hanggang sa Barangay Malilico, Odiongan, Romblon.
Ang limang araw na ginawang pagdalaw ng Poong Hesus Nazareno sa bayan ng Odiongan ay labis na ikinatuwa ng mga Odionganon at maging ng mga taga ibang bayan na bumisita sa Poong Nazareno na nanalangin at humingi ng pagbabasbas, pagpala at pasasalamat. (AMM)







Add Comment