ODIONGAN, Romblon – Hinatid na sa kanyang huling himlayan si dating Vice Mayor Paquito “Paquit” Chang Firmalo ng Odiongan, Romblon kaninang umaga, Nobyembre 18, 2023 sa Asturias Memorial Park, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.
Si Paquit C. Firmalo ay pumanaw noong Nobyembre 9, 2023 sa edad na 82. Naulila niya ang kanyang kabiyak na si Mrs Shirley Fodra Firmalo, mga anak na sina Francisco Firmalo II, Anna Liza F. Limen, Francisco Firmalo III, at Dee F. Tiangco at mga apo.
Bago dalhin sa simbahan ang labi ni Honorable Paquito C. Firmalo kaninang umaga, saglit itong idinaan sa munisipyo ng Odiongan, Romblon, bilang pagpakilala sa kanyang pagserbisyo sa bayan ng Odiongan.
Siya ay naihalal na Vice Mayor ng Odiongan, Romblon mula taong 1971 hanggang 1980 at naging miyembro ng Sangguniang Bayan mula 1980 hanggang 1986, at muling naihalal sa pagka Konsehal noong taong 1998 hanggang 2001 ng nasabing bayan.
Ang kanyang mga nagawang kontribusyon sa pagpapaunlad sa bayan ng Odiongan ay hindi matatawaran. Lumisan man siya sa mundo ang kanyang legasiya ay mananatili sa puso’t isipan ng mga Odionganon o ng Romblomanon sa kabuuan. Ang kanyang mga kabutihang nagawa ay isang magandang alaala na magsisilbing inspirasyon sa mga kabataan at sa henerasyong darating. (Romblon SUN staff)







Add Comment