ODIONGAN, Romblon – Dalawang motorsiklo ang kinaladkad ng service pick-up ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Romblon matapos sumabog ang unahan nitong gulong nitong pasado ala una ng hapon ng Nobyembre 15, 2023 sa Barangay Road ng Barangay Budiong, Odiongan, Romblon.
Ayon sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, binabaybay umano ng kulay puti na Toyota Hi-Lux na pag-aari ng DPWH – Romblon na minamaneho ni Rey Maligang Oquias, 48, driver at residente ng Brgy. Bangon, Odiongan, Romblon ang kalsada sa Barangay Budiong papunta sa Poblacion ng Odiongan, Romblon. At pagdating nito sa harap ng bahay ng pamilya Fopalan ay aksidente umanong sumabog ang kanang unahang gulong ng pick-up kung saan ay nawalan ng kontrol sa manibela si Oquias at bumangga ito sa dalawang nakaparadang motorsiklo sa tabi ng kalsada na pag-aari nina Ester Forlales Lilang at Irene Fradejas Fabon.
Ligtas naman umano ang drayber ng nasabing pick-up samantalang ang dalawang motorsiklo ay nagtamo ng hindi pa batid na halaga ng pinsala.
Ang mga sangkot na sasakyan sa naturang aksidente ay dinala sa Odiongan MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. (Tony Miñano Macalisang)







Add Comment