ODIONGAN, Romblon – Isinugod sa ospital ang isang lalaki na sinaksak ng kainumang kabarangay dakong 4:30 ng hapon ng Oktubre 5, 2023 sa Sitio Bajay, Budiong, Odiongan, Romblon.
Kinilala ang biktima na si Guillier Pajer Atilano, 28 taong gulang, binata, walang trabaho, habang ang suspek ay nakilala na si Jerry Mie Bantang Abo-abo, 22 taong gulang, binata, walang trabaho at parehong residente ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang biktima at ang suspek kasama ang kanilang mga kaibigan ay nag-iinuman sa isang tindahan. Pagkatapos na makaubos ng ilang bote ng nakakalasing na alak ay mainit na nagkasagutan umano ang biktima at ang suspek na nauwi sa suntukan. Inawat naman ang mga ito ng kanilang mga kasamahan.
Umalis ang suspek sa lugar at naiwan ang biktima na patuloy sa pag-inom ng alak. Ilang saglit pa ay bumalik ang suspek na may dalang patalim at sinaksak ang biktima na tinamaan sa kaliwang bahagi ng kilikili habang inawat naman ang suspek ng kanilang mga kaibigan.
Agad na dinala sa Romblon Provincial Hospital (RPH) ang biktima para malapatan ng kaukulang lunas.
Samantala, dinakip ang suspek ng mga nagrespondeng mga tauhan ng Odiongan MPS sa kanilang bahay kung saan ay payapa namang itong sumuko sa mga awtoridad. Narekober din ang ginamit na patalim ng suspek na may haba na 10 pulgada na kasamang dinala kasabay ng suspek sa himpilan ng Odiongan MPS.
Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa nasabing suspek. (AMMacalisang)







Add Comment