SAN AGUSTIN, Romblon – Isang lalaki ang sinaksak ng kanyang kainuman dahil pagtatalo nitong 9:30 ng gabi ng Sabado, Oktubre 23, 2021 sa Sitio Banturan, Barangay Cabolutan, San Agustin, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Rudy Fabito Valles, 52 taong gulang, may-asawa, magsasaka at residente ng Barangay Cabolutan, San Agustin, Romblon habang ang itinuturong suspek ay kinilala na si Lito Malupa Marquez, 27, binata, magsasaka at nakatira sa Barangay Cabolutan, San Agustin, Romblon.
Sa ginawang imbestigasyon ng San Agustin Municipal Police Station (SAMPS), napag-alaman bago ang nasabing insidente na nag-iinuman umano sila Elmo Madalang kasama ang suspek at biktima sa isang silungan sa Sitio Banturan, Barangay Cabolutan, San Agustin, Romblon. At noong pagsapit ng 9:30 ng gabi ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nina Valles at Marquez kung saan ay bumunot ng patalim ang suspek na si Marquez at sinaksak ng ilang beses ang biktima na si Valles na tinamaan sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Mabilis na isinugod sa Tablas District Hospital ang biktima para malapatan ng agarang lunas habang hinuli naman ang suspek ng mga nagrespodeng tauhan ng San Agustin MPS at dinala sa kanilang estasyon para sa kaukulang disposisyon at dokumentasyon.
Inihahanda naman ng San Agustin MPS ang kaukulang kaso na isasampa laban sa suspek sa tanggapan ng Provincial Prosecutor. (Romblon Sun Staff)







Add Comment