Home » Blog » Estudyante na hinamon ng suntukan, sinaksak

Estudyante na hinamon ng suntukan, sinaksak

ODIONGAN, Romblon – Sugatan na dinala sa ospital ang isang menor de edad na estudyante matapos na masaksak ng hindi pa nakilalang suspek dakong 2:10 ng madaling araw ng Agosto 30 sa harap ng Ashley Bakeshop, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.

Ang biktima ay isang 16 taong gulang na estudyante at residente ng Barangay Pato-o, Odiongan, Romblon.

Base sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan ay nagkayayaan na mag-inuman sa Tipsy Bar sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.

Habang nagsasayaw ang biktima at ang kasama nitong babae ay nilapitan umano ito ng suspek at sinabihan na, “Tara, suntukan tayo sa labas!”.

Hinimok umano ng suspek ang biktima na lumabas at makipagsuntukan.

Noong naroon na sila sa labas ay bigla na lamang umanong sinaksak ng suspek ang biktima gamit ang isang patalim at mabilis na tumakas sa hindi batid na direksyon.

Nagtamo ng sugat sa kanang braso ang biktima at agad na dinala sa Romblon Provincial Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.

Samantala, isang hot-pursuit operation ang isinagawa ng nagrespondeng mga tauhan ng Odiongan MPS para matunton at mahuli ang suspek. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment