Deprecated: The called constructor method for WP_Widget class in EV_Widget_Entry_Views is deprecated since version 4.3.0! Use __construct() instead. in /home/romblons/public_html/wp-includes/functions.php on line 6131
Ramdam na ramdam ang epekto ng pagbabago ng klima sa pagsisimula ng taong 2023 - Romblon Sun
Home » Blog » Ramdam na ramdam ang epekto ng pagbabago ng klima sa pagsisimula ng taong 2023

Ramdam na ramdam ang epekto ng pagbabago ng klima sa pagsisimula ng taong 2023

Dati-rati, sa huling mga araw ng Disyembre pa lang, ay madalang na halos ang mga ulan, bagama’t kung minsan ay may malalakas na bagyong dumadating. Subalit kabaligtaran ang nangyayari sa ating panahon sa kasalukuyan. Halos  dalawang linggo ang walang tigil na pagulan sa pagsisimula ng taon.

Dahil sa mga Low Pressure na nararanasan ay hinihigop ang hanging amihan na siyang nagpapaulan sa buong bansa sa nakalipas na halos mahigit sampung araw. Nagdududlot ito ng mga matitinding baha sa ibat ibang lugar ng ating bansa. Ang mga dating lugar katulad ng Mindanao ay madalang mapabalita ang mga bagyo pero sa ngayon ay maraming mga nakakaranas na probinsiya na grabe ang mga pagbaha.

Mga pagbaha na inilulubog ang buong barangay o bayan at may mga buhay na nawawala, kabahayan at ari-ariang nasisisra. Dapat seryusohin talaga ng gobiyerno ang mga plano at programa para paghandaan ang epekto nitong global warming at climate change. Dapat lalo pang palakasin ang batas tungkol sa paghahanda sa mga kalamidad.

Sa kabila ng mga bagyo, baha, lindol, pagguho ng lupa, at kung minsan ay mahabang tagtuyot ay hindi pa din natututo at tumitigil ang mga illegal logging, pagmimina, quarrying, reklamasyon at pagbubukas ng bagong kalsada sa ating makakahoy na kabundukan. Tapos, wala namang solidong programa para maibalik ang mga nasisirang kahuyan o reforestation program. Halos lahat ng nabanggit na aktibidad ay maraming kakahuyan ang nasisira at iba pang likas na yaman. Maraming kahoy sa ating mga gubat ang nawawala araw-araw ayon sa mga eksperto pero napakadalang ang mga reforestation projects. Bukod sa madaling putulin ang mga kahoy, pero matagal bago lumaki ang mga ito. Kung kinakalkal ang mga kabundukan ay siguradong may mga lupa ding guguho sa mga kapatagan at madadala sa mga ilog. Dahilan na bumababaw ang karamihang mga ilog  at madaling umapaw sa kaunting ulan ang mga baha.

Kung kumakamal man ng limpak na salapi ang mga kapitalista at mga taong sangkot sa mga aktibidad na ito ay kabaligtaran naman ang nararanasang pighati ng ating pangkaraniwang mahihirap na mga mamamayan. Halos  buong kabuhayan ng ating mga magsasaka ay nauubos o nawawala. Sira ang mga bahay at kagamitan sa loob, sira ang mga pananim na palay at gulay ng mga magsasaka. May mga nalulunod na mga alagang hayop, kalabaw, baka, kambing, manok at baboy.

May mga palay na halos ilang araw na inuulan ay hindi maani at nabubulok dahilan na bumababa ang kalidad. Dahil madalang ang umaani ay may nasisira doon sa taniman. Mga palayan na nalulubog sa baha ng kung ilang araw, nanatatabunan ng banlik at hindi na mapapakinabangan. Dahil sa mga kalamidad na ito ay napakahirap maabot yong pangarap na P20.00 ang kilo ng bigas at mananatiling pangarap lang ito.

Mistulang mga hilong talilong ang ating mga apektadong mamamayan sa panahon ng mga nabanggit na kalamidad. Malalakas na ulan na wala namang bagyo, mga pagputok ng bulkan, pagguho ng lupa na natatabunan ang mga kabahayan at mga taong nakatira doon, mga umaapaw na ilog na unti unting nilalamon ang mga pangpang at nahahagip sa pagguho kahit konkretong mga bahay. Dahil sa pagkababad sa tubig at lamig ay nagkakasakit ang mga tao na kailangang madala sa pagamutan o malapatan ng pangunahing lunas. At kung minsan, kung gaano ang mga pagbaha sa tag-ulan, ay dumadating naman ang matinding tag-init at tagtuyot na namomroblema ang tao sa tindi ng init at pagkatuyo ng mga ilog na pinggagalingan ng tubig sa irigasyon. Kung walang tubig ang mga patubig ay hindi makapagtatanim ang ating mga magsasaka.

Sa gitna ng mga kalamidad na ito ay hindi malaman ng mga tao kung kanino lalapit at hihingi ng tulong. Kung minsan, may mga lugar na nahihiwalay sa mga mainland dahil sira ang mga tulay at bumibilang ng araw bago makarating ang tulong ng gobiyerno. May mga isla na hindi marating agad ng mga sasakyan dahil sa malakas na alon at hangin. Kaya  marami sa mga mamamayan ay nagtitiis ng gutom, uhaw at lamig bago makarating ang ayuda ng gobiyerno. Sa lahat ng ito ay iisa ang tanging nagbibigay sa kanila ng lakas at pagasa. Ang panalangin na sa gitna ng krisis at mga pagsubok ay hindi sila pababaya-an ng  Diyos.

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment