Inaprobahan na ni Pangulong Marcos ayon sa rekomendasyon ng mga economic managers ang pagpapanatili sa mas mababang taripa ng mga pangunahing produktong inaangkat ng Pilipinas katulad ng bigas, mais, karne at iba pa para makontrol ang mabilis na pagtaas ng mga presyo nito sa local na merkado na nagiging sanhi ng pagtaas ng inflation rate ng bansa.
Malaking bagay ito para sa mga consumers dahil ibig sabihin ay mas mababa ang presyo ng mga bilihing ito sa lokal na merkado. Pero may mga reklamo na halos pareho lang ang presyo ng mga imported na produkto at yong mga lokal na produkto. Ang disbentaha pa nito ay dahil sa mura ang imported na bigas, nalulugi ang ating mga magsasaka at mababa ang bilihan ng kanilang palay dahil pilit na ipinapantay sa presyo ng imported na bigas. Na napakaimposibleng mangyari.
Sa malalaking rice exporting countries tulad ng Vietnam, Thailand, Myanmar at China ay mababa ang cost of production nila na pumapatak lang halos sa P5.00-8.00 ang production cost per kilo ng palay. Samantalang dito sa atin ay nagkakahalaga ng P10.00 – 12.00 ang puhunan ng isang kilong palay. Paano mo maibebenta ng mas mataas ang lokal na bigas kung mas mura yong imported na bigas? Kaya ang nangyayari ay lugi ang ating mga magsasaka.
Imposible na mapababa ang gastos sa produksyon ng palay. Kasi walang control ang magsasaka sa presyo ng abono, presyo ng krudo at gasolina, maging sa langis at mga spare parts ng mga makinarya sa bukid. Ibig sabihin, kahit anong mahal ng abono bibili ang magsasaka dahil kailangan sa produksyon. Kahit gaaano kamahal ang krudo o gasolina, bibili ang magsasaka para sa produksyon inputs niya. Tapos pagnagbenta siya ng produkto kontrolado ang presyo nito ng gobiyerno.
Ganoon din sa paghahayupan. Pamahal ng pamahal ang mga pakain sa baboy at manok dahil imported halos karamihan dito lalo na yong mais at soya. Na bagaman at mababa lang ang taripa ay hindi kayang pababain ang presyo ng isang kilong feed na sa halip ay tumataas pa. Kasi nga wala namang tayong magagawa. Kung hindi bibili ng mais ang mga feedmills eh anong ihahalo sa pakain? Yong local production naman ay hindi makasapat sa local demand natin. At mas mataas ang cost of production ng ating mais kaysa imported.
Hindi kasalanan ng mga feed millers ang pagtaas ng presyo ng feeds. Dahil ito ay dikta ng merkado. Bakit tumaas ang feeds? Dahil tumaas din ang presyo ng mga imported na ingredients, katulad ng mais, soya beans, fish meals, at iba pa. Ano ang dahilan at tumaas ang presyo ng mga ito? Dahil sa pandemya ng COVID 19, giyera sa Ukraine at Russia at pagtaas ng transport cost at petrolyong produkto. Bukod pa sa humihingi ng dagdag na sahod ang mga trabahador sa mga pagawaan ng pagkain ng hayop. Wala tayong control sa mga presyuhang ito.
Samantalang pag-ibeninta natin ang ating mga baboy at manok ay may farm gate price na idenidikta ang merkado at hindi tayo puwedeng sumobra sa presyong itinakda. Sabi ng iba, hindi na muna magalaga ng manok o baboy, kaso walang ibang livelihood na proyekto na puwedeng pagkakitaan. Kaya kahit manipis ang kikitain ay tuloy pa din ang proyektong pagbababuyan. Pero kalimitan ay halos wala ng tinutubo at kung minsan ay lugi pa nga.
Sa usaping ito na pagpapababa ng taripa na ipinapataw ang gobiyerno, dapat sanay bumababa ang presyo ng produkto na mararamdaman ng mga consumers. Kaso ay hindi eh. Halos ang mga imported na mais at karne ay halos magkapareho din ng presyo sa lokal na produkto.
Ibig sabihin ang kumikita lang dito ay yong mga negosyanteng importer. Mas malaki ang kita nila dahil nga sa mababang taripa na ipinapataw ng gobyerno na narerecover din nila sa kanilang presyuhan plus yong tubo nila sa pantay na presyo sa lokal na bentahan. Dapat sana yang taripang yan ay magamit sa mga subsidiya ng mga magsasaka katulad doon sa Rice Tariffication Law na ibinibigay sa magsasaka ang ilang porsiyento mula doon sa naiipon na taripa. Na ang layunin ay matulungan ang ating mga magsasaka sa agricultural production. Ang kaso milyon o bilyon ang buwis na nakukulikta ng gobiyerno mula sa mga importasyon. Pero ang tulong na naibibigay sa ating mga magtatanim ng palay ay petse petse o kakarampot lang. Bukod sa maraming magsasaka ang hindi masuportahan dahil wala sila sa listahan ng rehistradong grupo.
Hindi natin malaman kung paano ang gagawin ng gobiyerno para ang problemang ito ay maayos at magkaroon ng patas na sestima para naman maengganyo ang ating mga mamamayan na magsasaka. Dahil kung mananatiling ganito ang situwasyon ng agricultural production ng bansa ay baka nga tumigil na sa pagbubukid ang ating mga magsasaka. Siguradong gutom ang aabutin ng mga Pilipinong naturingan pa naman na agricultural country ang Pilipinas pero inaangkat halos lahat ng primary agricultural products.
Pero yong ating mga economic managers ay iba ang pagkakilala sa Pilipinas. Ito ay hindi agricultural country kaya dapat lang daw talaga na may importasyon tayo. Sayang at ang nailalagay natin sa matataas na puwesto ng gobiyerno ay pipi at bulag sa katotohanan at kapakanan ng mga Pilipino. Sana matuldukan ng tadhana itong pagsasamantala sa maralitang mga mamamayan.







Add Comment