Home » Blog » Babaeng rider sumemplang sa kurbadang kalsada sa Magdiwang, Romblon

Babaeng rider sumemplang sa kurbadang kalsada sa Magdiwang, Romblon

MAGDIWANG, Romblon – Walang malay na kinarga sa ambulansya ang isang babaeng rider matapos madisgrasya sa sinasakyang motorsiklo dakong 9:30 ng gabi ng Disyembre 27, 2023 sa national road ng Sitio Casing, Barangay Silum, Magdiwang, Romblon.

Kinilala ng Magdiwang Municipal Police Station ang biktima na si Loren Samindao Banzuelo, 23 taong gulang at residente ng Barangay Danao, Cajidiocan, Romblon.

Ayon sa ibinalita ng saksi na si Jo Abania Rotoni sa Magdiwang MPS, bago ang nasabing insidente ay nakita umano niya habang siya ay nasa loob ng kanilang bahay, ang mabilis na takbo ng paparating na  motorsiklo ng biktima na galing umano sa direksyon ng bayan ng Cajidiocan at papunta sa bayan ng Magdiwang.

At pagsapit nito sa kurbadang bahagi ng national road ay lumampas umano sa kalsada ang motorsiklo ng biktima at napadiretso sa nakatambak na buhangin at graba sa tabi ng daan na naging dahilan para mawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo ang biktima hanggang sa sumemplang ito sa konkretong kalsada.

Nawalan umano ang ulirat ang babaeng rider na nagtamo ng sugat sa ulo at mga gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Nagkataon namang dumaan ang ambulansiya ng Magdiwang Rural Health Unit na may sakay na nars at kanilang nakita ang nakahandusay na biktima na agarang binigyan ng first aid at diniretso sa RHU Magdiwang.

Kalaunan ay dinala ang biktima sa Sibuyan District Hospital sa bayan ng Cajidiocan. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment