ODIONGAN, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang estudyante na angkas sa naaksidenteng motorsiklo kaninang 2:30 ng madaling araw, Enero 16, 2026 sa tapat ng isang tindahan sa National Road ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.
Base sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, sakay ng motorsiklo ang dalawa na minamaneho ni “JP”, 20 anyos, binata, at angkas nitong si “Jun”, nasa hustong gulang, estudyante, at parehong residente ng Barangay Amatong Odiongan, Romblon na binabaybay ang national road ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon papunta sa Barangay Amatong, Odiongan, Romblon.
Mabilis umano ang pagpapatakbo ng drayber ng motorsiklo na si “JP” na sinasabing nasa ilalim ng ispiritu ng alak at pagsapit sa lugar ng insidente ay napagawi ang sasakyan sa kabilang linya ng kalsada kung saan ay aksidente nitong nasapol ang hulihang bahagi ng nakaparadang motorsiklo sa tabi ng kalsada sa tapat ng Selosa’ Store sa nasabing barangay.
Sa lakas ng pagkasalpok ay tumilapon ang mga sakay sa kongkretong kalsada.
Nagtamo ng mga sugat at gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang drayber, samantalang ang angkas nito na si “Jun” ay malubha ang tama sa ulo.
Agad namang isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang dalawang biktima ng rumespondeng mga tauhan ng MDRRMO Odiongan para sa kaukulang lunas, ngunit ang angkas na estudyante ay idineklarang dead on arrival (DOA) ng sumuri na doktor.
Ang drayber ng motorsiklo ay inaresto ng kapulisan at isinailalim sa kustodiya ng Odiongan MPS.
Kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Multiple Damage to Property ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Provincial Prosecutor’s Office, Odiongan, Romblon laban sa drayber. (RSun Staff)







Add Comment