SAN FERNANDO, Romblon – Kinumpiska ng mga tauhan ng Coast Guard Romblon ang mga muwebles na gawa sa kahoy na lulan sa isang pumpboat para ibiyahe palabas ng probinsya nitong Disyembre 27, 2023 sa karagatan na sakop ng Barangay Azagra, San Fernando, Romblon.
Ayon sa ulat nakatanggap umano ng report ang Coast Guard Sub Station (CGSS) Cajidiocan na mayroong ibibiyahe ng mga furniture na gawa sa kahoy na walang kaukulang dokumento papuntang Mandaon, Masbate.
Agad namang kumilos ang grupo ng Coast Guard Sub Station Cajidiocan, at Coast Guard Sub Station Magdiwang, kasama ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagsagawa ng search operation sa motorbanca na nakilala na “UMW Navigator”.
Natagpuan sa nasabing motorbanca ang 16 piraso na dining chairs, at isang piraso na 8 seaters na dining table na gawa sa kahoy na narra at kulay puti at pulang kahoy na lauan.
Hinanapan ng tauhan ng DENR ng mga kaukulang dokumento ang nasabing mga nakakargang muwebles ngunit walang maipakita ang kapitan ng bangka kung kaya’t kinumpiska ng grupo ang naturang mga furniture bilang paglabag sa Section 77 PD 705 o mas kilala na Forestry Code of the Philippines as amended by RA 7161.
Dinala ang mga kinumpiskang furnitire sa Barangay Hall ng Barangay Azagra, San Fernando, Romblon para sa kaukulang disposisyon.
Ipapatawag rin ng kinaukulan ang hindi pa nakumpirmang may-ari ng naturang mga muwebles na nakatakdang sampahan ng kaso ng DENR. (RSun Staff)







Add Comment