SAN AGUSTIN, Romblon – Hindi na nakapalag ang lalaking suspek matapos itong arestuhin sa ginawang buy-bust operation ng kapulisan kontra ilegal na droga, kahapon ng gabi ng Disyembre 28, 2023, sa pampublikong sementeryo ng San Agustin, Barangay Poblacion, San Agustin, Romblon.
Ang suspek na nahaharap sa paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ay kinilala ng San Agustin Municipal Police Station na si Ivan Villanueva Montesa, 28 taong gulang, may-asawa, small engine mechanic, at residente ng Barangay Poblacion, Romblon, Romblon.
Ayon sa San Agustin MPS, isang pinagsanib na anti-illegal operation (buy-bust) laban sa ilegal na droga ang ikinasa ng mga tauhan ng Romblon PPDEU (lead unit) na pinangunahan ni PCpt Eric Herald R. Faigao-OIC, San Agustin MPS sa ilalim ng direktang superbisyon ni PMaj Joselito L. Sape, PDEG SOU4B at 2nd platoon RPMFC sa koordinasyon ng PDEA MIMAROPA na nagresulta sa pagkahuli sa suspek.
Sa naturang operasyon, isang pulis ang nagpanggap na “poseur-buyer” at nakipagtransaksyon sa suspek kung saan ang nakabili ang pulis ng isang (1) heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting pulbos na pinaghinalaang “shabu” kapalit ang halagang P3,000.00 sa suspek.
Nakuha sa posisyon ng suspek ang isang (1) heat sealed plastic sachet na naglalaman ng puting pulbos na pinadududahang “shabu”, isang piraso na lighter at mga pera na ginamit sa buy-bust.
Ang pag-imbentaryo at pagkuha ng mga litrato at pagmarka sa mga nakuhang ibedensya ay isinagawa sa naturang lugar sa harapan mismo ng suspek at sinaksihan nina Hon. Saourin Anthony Morales, Hon. Reymond G. Tan, kapwa Barangay Kagawad ng Barangay Poblacion, San Agustin, Romblon at Hon. Nino Rey B. Manilay, at Hon. Lavermie A. Hamisan, parehong Barangay Kagawad ng Barangay Cag-boaya, San Agustin, Romblon.
Tinatantya na ang nakumpiskang droga na may bigat na 0.2 grams ay nagkahahalaga ng humigit kumulang sa P3,000.00.
Ang nasabing suspek ay isinailalim sa kustodiya ng San Agustin MPS para sa kaukulang imbestigasyon. (RSun Staff)







Add Comment