Ni JUN FIEDACAN
Maraming mga magsasaka tayong nakapanayam at halos pare-pareho ang daing sa atin. Mahina ang ani ng kanilang palay. Kung ating titingnan ang klima nitong 2022 ay naging irregular ang ulan ngayong taon. Kung ating matatandaan ay umulan ng malakas noong April, 2022. Kaya yong mga magsasaka na nagkatubig ang kanilang tubigan ay biglaang inihanda ang lupa at nagsabog ng binhi sa kanilang palayan. Maganda naman ang tumubo pero yong buwan ng Mayo at Hunyo ay irregular ang ulan, na naging dahilan para hindi nakapag abono sa kanilang palayan. Nahirapan din silang magkontrol ng damo dahil tuyo ang mga palayan.
Dahil nauna silang magtanim ay nauna din silang mag ani. Dangan nga lang ay mahina ang kanilang produksyon dahil maipa ang kanilang palay at karamihan ay nabansot dahil wala sa timing ang pag-abono. Yong iba ay naunahan ng damo at hindi na din nakapagsuwi. Resulta mahina ang ani. At ito yong sinasabi natin na hindi advisable yong nau-una sa pagtanim nitong palayan kaysa doon sa karamihang karatig. Kasi kung nauna ang pamumunga ng iyong palay doon sa karamihan, halos lahat ng insekto at mga peste ay pagpipiyestahan ang iyong palayan. Kasi nagsusulo siya doon sa lugar at yong karatig ng mga tubigan at hindi pa namumunga.
At diyan umaatake yong atangyang insekto na isang mapaminsalang insekto ng palayan. Itong ating mga kakabayang magsasaka na naunang mag ani ng first cropping ay siyempre nauna ulit silang magtanim ng second cropping kaysa mga karatig na talaga namang mahina ang kanilang ani dahil walang laman, sanhi ng mga insekto.
May mga palayan na umani na ng dalawang beses noong Hulyo at ngayong Disyembre. At marami din ang nagpaplano at ang iba ay handa na ang kanilang tubigan para magsabog uli ng bagong binhi. Pero pinapayuhan nating itong kaibigan nating mga magsasaka. Hindi po advisable na kayo ay magtanim pa ng pangtatlong taniman. Dahil kung magtatanim sila ng palay ngayon ay siguradong ang ani nila ay sa katapusan ng Marso na kung saan ay mainit na at tag-araw at baka kapusin sa tubig habang namumunga ang palay. Bukod sa mga dahilang ito ay mapag-iwanan na naman ang kanilang palayan ay siyang aatakihin ng mga insekto. Ang lupa dito sa Romblon ay hindi katulad sa Mindoro na buhaghag at maraming natural na abono. Halos lahat ng palayan ay nagtatanim sa loob ng isang taon at walang tigil sa katatanim. Kaya walang nagsusulong palayan na may tanim at halos sabay silang nagtatanim. Ang isa pang dahilan kung bakit natin dinidiscourage ang third cropping ay halos said na ang abono sa palayan sa nagdaang dalawang (2) anihan. Lalo at hindi naman nasunod yong tamang dami ng abono dahil sa mahal na presyo at nagtipid ang ating mga magsasaka. Kung mag 3rd cropping ay dapat damihan ang abono na gagamitin dahil ubos na ubos ang abono ng palayaan. Ang kaso walang pangbili ng abono ang ating mga magsasaka. At isa pang problema ay mahal na ngayon ang presyo ng abono.
Kung ipagpapatuloy nila ang 3rd cropping ay wala tayong magagawa kahit na pigilan sila dahil sasabihin sa ating na hindi naman tayo nakakatulong sa kanilang bukid. Pero kung sakali nga na itutuloy ang 3rd cropping, ito ay magdudulot lang ng kalugihan sa mga magsasaka. Ang isang pang dahilan kaya hindi rekomendado ang third cropping ay sila na lang ang mga nagsusulong magtatanim ay puputaktihin ito ng mga insekto. Kung mamalasin pa ay baka matuyuan ng tubig sa panahon ng pag-uuhay.
Halos naikot na natin ang mga palayan at marami dito ay nalubog sa damo dahil hindi naging epektibo ang kanilang pag kontrol sa damo. Marami sa palayan ay naunahan ng damo ang mga palay at hindi na nakauhay. Mahirap na kalaban ang mga damo. Dahil mahirap alisan ng damo ang palayan dahil sabog tanim at masinsin ang tanim na palay. Kaya halos nakikini-kinita ko ay baka balik puhunan na lang ang pagtatanim ng 3rd cropping.
Sabagay, ngayon naman ay hindi na naghahangad na kumita sa pagpapalayan. Alam natin na napakamahal ang gastos sa pagpapalayan na umaabot ng P35,000.00 hanggang P40,000.00 bawat ektarya. Kung baga kaya nagtatanim ng palay ay magiging tiwangwang ang lupa. Katuwiran ng ibang mga magsasaka, kahit na lugi, basta may makakain ang pamilya. Okey lang.







Add Comment