ODIONGAN, Romblon – Sugatan sa kamay na isinugod sa ospital ang isang lalaking welder matapos na masaksak ng kinukulit nitong nakainuman na guwardya dakong 4:30 ng hapon ng Hunyo 7, 2025 sa Sitio Mantalonan, Progreso Este, Odiongan, Romblon.
Ang biktima ay kinilala na isang 42 anyos na welder, may-asawa at residente ng Upper Cogon, Barangay Limon Norte, Looc, Romblon, habang ang itinuturong suspek ay 42 taong gulang na dating guwardiya ng isang drug chain, at nakatira sa Sitio Mantalonan, Barangay Progreso Este, Odiongan, Romblon.
Base sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang biktima at ang suspek kasama ang kanilang kaibigan ay nagkainuman sa bahay ng suspek sa nasabing barangay.
Pagkatapos na makaubos ng ilang bote ng alak, ang suspek ay nagpasya nang pumasok ng kanilang bahay upang matulog.
At dahil sa labis na kalasingan at kakaibang asal ng biktima ay sinundan nito ang suspek sa loob ng bahay at pilit na ginigising.
Nainis umano ang suspek at nagalit sa biktima.
Kahit naaasar ang suspek, ay hindi umano huminto ang biktima at patuloy nitong kinukulit ang suspek.
Sa puntong ito ay kumuha umano ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima na tinamaan sa kanang kamay.
Agad namang isinugod ng mga residente ang biktima sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Looc, Romblon para sa malapatan ng kaukulang lunas.
Samantala, pormal na inaresto ng mga tauhan ng Odiongan MPS ang suspek matapos ma i-turned over ng mga nagrespondeng tauhan ng Looc MPS sa nasabing insidente.
Kasama rin na isinuko sa Odiongan MPS ang nakuhang armas na ginamit ng suspek.
Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS laban sa suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa taggapan ng Provincial Prosecutors sa Odiongan, Romblon. (RSun Staff)







Add Comment