MAGDIWANG, Romblon – Nabawi sa lalaki ang kinulimbat nitong pera sa pinasok na bahay matapos masakote ng mga awtoridad dakong 8:30 ng gabi ng Hunyo 6, 2025 sa Sitio Proper, Barangay Agutay, Magdiwang, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na isang 45 taong gulang na babaeng negosyante habang ang suspek ay napag-alaman na si alias “Archie”,18 anyos, binata, isang out of school youth at parehong residente ng nasabing barangay.
Base sa ulat ng Magdiwang Municipal Police Station (MMPS), ang biktima kasama ang kanyang pamilya ay umalis umano ng kanilang bahay upang magsimba.
Sa kanilang pagbalik ay napansin ng anak na babae ng biktima na sarado ang harapang pinto ng kanilang bahay at naka lock sa loob.
Naghinala ito na may ibang tao na pumasok sa kanilang bahay kaya’t binantayan nito ang harapang pinto ng kanilang bahay at tumawag ng tulong.
Nagawang palibutan ng kanilang mga kasamahan sa simbahan ang buong bahay.
Samantala, ang kanilang kapitbahay na isang Corporal ng Philippine Marine Corps ay nakita ang suspect na nagtatago sa bandang kusina ng bahay at kanya itong pinigilan habang hinihintay ang pagdating ng mga pulis.
Agad namang inaresto ng mga nagrespondeng tauhan ng Madiwang MPS ang suspek.
Narekober sa bulsa nito ang ninakaw na pera na halagang P11,600.00.
Napag-alaman na dumaan umano ang suspek sa pagitan ng bubong at dingding ng bahay kung saan ay sinira nito kisame para makapasok sa loob.
Kasong Robbery ang inihahandang isampa ng Magdiwang MPS laban sa suspek sa Provincial Prosecutor Office sa Romblon, Romblon. (RSun Staff)







Add Comment