Ni JUN FIEDACAN
Madalas nating makita na pagkatapos na nagiik ang inaning palay sa mga tubigan, ang dayami ay pinatutuyo at sinisilaban ng mga magsasaka. Pero sa ngayon ay mabibilang na lang ang nagsusunog ng dayami dahil may mga ordinansa na nagbabawal nito.
Kadalasan sa tag-araw, sa second cropping na anihan ay tuyo ang dayami at kahit hindi pa nahahakot ang palay ay sinisindihan kaagad ang mga dayami hindi ko malaman sa mga magsasaka kung ano ang pakiramdam nila habang nagliliyab ang mga dayami sa mga tubigan at ano ang dahilan bakit sinisilaban? Ang kanilang rason ay tirahan daw ng mga daga at para masunog ang mga buto ng damo na napasama sa pag-gapas. Ibig bang sabihin ay may perwisyo ang mga dayami sa kanilang pagbubukid? Pero napakalaking bentaha kung itong mga dayami ay hindi susunugin at sa halip ay hayaang mabulok ito sa tubigan para maibalik ang pataba na ginamit ng nagdaang tanim na palay. Ayon sa pananaliksik ng mga Dalubhasa sa Kagawaran ng Pagsasaka, ang isang kilong tuyong dayami, kapag ito ay nabulok (compost na) ay mayroong 0 64% Nitrogen, 0.07% Phosphorous at 1.85% Potassium. Itong tatlo ay tinatawag na pangunahing elemento para sa isang mabulas na tanim na palay at nagbibigay sustansiya.
Sinasabing sa isang toneladang nabulok na dayami ay may 5-8 kilong nitrogen, 7-12 kilong phosphorous at 12-17 kilong potassium ang maibabalik sa tubigan.
At napatunayan ng Philippine Rice Research Institute ng Department of Agriculture na ang dayaming pinagiikan ng 5 toneladang palay ay kayang magbigay ng 25 kilos na nitrogen, 40 kilograms na phosphorous at 70 kilograms na potassium. Sa kasalukuyan, pangkaraniwan ang nabibling abono sa mga tindahan ang 14 14-14 or complete fertilizer na may mga elementong 14% nitrogen 14% Phosphorous at 14% Potassium. Kaya sa isang sakong 50 kilos na complete ay mayroong 7 Kilong Nitrogen, 7 kilos Phosphorous at 7 kilong Potassium. Sa abonong urea naman ay mayroong komposisyong 45-0-0 ibig sabihin 45% Nitrogen content at sa timbang na 50 kilos bawat sako ng urea ay may 22.50 kilos na nitrohino ang maibibigay nito. Kung ikukumpara kapag sinunog mo ang mga dayami mula sa pinagiikan ng 5 Toneladang palay ay parang nagsunog ka ng mahigit isang sakong urea o di kaya’y 4 na sakong complete fertilizer kung nitrogen ang pag-uusapan, kulang-kulang na 6 na sakong T-14 kung phosphorous ang pag-uusapan at may katumbas ng 10 sakong T-14 kung potassium ang pag-uusapan Base sa kalkulasyon sa itaas at kung presyo ng pataba ang pag-uusapan ay malaking pera itong na sasayang dahil sa pagsunog ng mga dayami. Sa presyo ngayon ng mga pataba, aba’y malaking halaga ito.
Ayon pa rin sa mga dalubhasa, kapag sinunog ang dayami, sabihin natin limang toneladang tuyong dayami, 40% ang carbon ay sumasama sa hangin at nadadagdag sa carbon dioxide na sanhi ng pag-init ng mundo at 93 % ng nitrogen ay nawawala at sa isang ektaryang dayami ay inaabot ng 23-30 kilos na nitrogen ang sumasama sa hangin dahil ito ay “volatile.” Dagdag pa nito, 25% ng phosphorous at 21% rin ng potassium ang nawawala. Kung susumadahin, 140 kilos na bigat ng carbon ang nadagdag sa carbon dioxide sa hangin, 23-30 kilos na nitrogen sumasama rin sa hangin. 10 kilong phosphorous at 14-15 kilos na potassium ang nawawala dahil sa pagsusunog ng dayami. Ang abo o ash na pinagsigaan ay lalong nagpapalagkit sa lupa samantalang ang “humus” mula sa nabulok na dayami ay nagpapabuhaghag sa lupa at nadadagdagan ang tinatawag na “water holding capacity ng lupa at dahilan para matagal matuyo sa tag-araw.
Kaya ang payo ng mga experto huwag mag-aabono ng nitrogen fertilizer kung walang tubig ang tubigan at mainit ang panahon dahil ang init ang tutunaw sa nitrohinong nakakapit sa “fillers” at sasama sa hangin, sayang lang ang pera mong ibinili ng abono at hindi pakikinabangan ng palay.
Dagdag pa nila ay karamihan sa abonong inilagay sa palayan ay sa katawan at dahon ng palay napunta at kakaunti lang ang napunta sa uhay at butil at kung tutuusin kapag sinunog mo ang dayami, sinunog mo rin ang abonong inilagay mo at mababalik sa na ulit sa lupa sa pagkabulok ng dayami
Kapag hindi natin sinusunog ang dayami at ibabalik sa tubigan, sa isang ektaryang tubigan ay mangangailangan ng 3-4 na tao magkakalat ng dayami sa buong maghapon. Mainam na ikalat kaagad ang dayami pagkagiik para hindi ito uminit at madaling mahakot.
Ang epekto ng nabubulok na dayami sa lupang sakahan ay napakalaki, bukod sa naibalik ang abono sa lupa ay nadadagdagan ang tinatawag na “humus” sa lupa dahilan para maging buhaghag ito at malambot at ang mga maliliit na mikrobyo ay patuloy na nabubuhay at nagkakaroon ng magandang himaymay ang lupa na angkop sa pagbaon ng mga maliliit na ugat ng halaman para sa masaganang pamumulaklak o pag-uuhay.
Madalas sinasabi ng mga matatanda, bakit daw noong dekada 50, 60 hanggang 70 ay walang mga pataba pero malulusog ang palay. Ito ay dahil kapag inani ang palay ang uhay lang ang pinuputol at naiwan sa tubigan ang dayami para mabulok at maging pataba ulit. Samantalang sa panahon ngayon ay sinusunog ang dayamı ang iba ay sa mga niyugan at sagingan naiipon sa halip na mabulok sa mga tubigan.
Kapag hindi kayang ikalat ang mga dayami sa tubigan, ito ay ipunin sa isang tabi ng pitak at doon pabayaang mabulok at sasusunod na taniman ay ikalat ito at mag silbing dagdag na pataba.







Add Comment