Ni ERNESTO FIRMALO ANG II
Hinamon ko ang sarili ko para hanapin ang pinakamatandang nakasulat na talaan na nagbabanggit sa pangalan ng bayan ng Odiongan. Ito ay magpapatunay na ang Odiongan ay umiiral na bago pa ito naitatag. Sa ngayon, ang mga sumusunod ay ang meron ako at baka kailangan kong balikan ang serye na ito kung meron pa akong makitang talaan na mas matanda pa. Dahil mahirap magtalababa (o footnote) sa isang kolum, ang pinagkunan ko ng impormasyon ay nasa loob ng panaklong (parenthesis) at apelyido lang ng may-akda. Makipag-ugnayan lang sa akin kung gusto mong makuha ang buong pinagkunan sa aking email na eang33@gmail.com.
Taong 1858. Simulan natin noong 1858. Ang Odiongan ay naging isang malayang parokya noong 1858. (Marcellan). Nangangahulugan na ito ay hindi na kailangang dalawin ng mga pari na galing sa Banton. Ang parokya ay mayroon ng sariling pari. Sa katunayan, noong Oktubre 1857, si Fray Manuel Alonso de San Pascual ay pinangalanang Kura ng Odiongan pero mabilis din itong nagbago dahil pagdating ng Disyembre 1857, siya ay naging Kura ng Banton. Napalitan siya ni Fray Pedro Guillermo de San Nicolás de Tolentino isang taon pa ang nakalipas noong 1859. Si Fray Pedro ang naturingang unang pari ng malayang parokya ng Odiongan hanggang siya ay namatay sa Odiongan din noong Hulyo 14, 1862. (Sábada).
Taong 1847 Noong Abril 2022, ang Odiongan ay nagdiwang ng kanyang ika-175 na taon na anibersaryo ng pagkatatag. Nangangahulugang ang nasabing bayan ay naitatag noong 1847. Noong Abril 5, 1847, ang mga taga Banton na lumipat noong taong 1840 sa lugar na kung tawagin ay kuta, sa nasa pagitan ng mga ilog ng Bongoy at Bangon (ang tawag ko dito ay Oyongan, nailarawan ko ito sa Serye 1), ay lumipat sa bandang silangan ng Bongoy. Ang dahilan ng paglipat ay dahil sa pagbaha sa lugar sa panahon ng tag-ulan at dahil din sa nangyaring sunog noong 1846. Ang araw na ito ay naging pista ng bayan para ipagdiwang ang araw ng santong patron na si San Vicente Ferrer. (Meñez).
Taong 1846 Ang logo o ang selyo ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ay may nakasulat na 1846. Sa panahong ito, isang malaking sunog ang nangyari sa lumang bayan ng Odiongan (sa kuta) na naging dahilan sa pagkasira ng maraming ari-arian. Ito ay nangyari noong Disyembre 7, 1846, bisperas ng pista na noon ay pinagdiriwang ang araw ng Concepcion. Ito rin ang isang dahilang kung bakit lumipat ang bayan ng Odiongan sa silangan ng ilog ng Bongoy. (Meñez).
Taong 1841 Noong Agosto 7, 1841, sa hiling ng ilang pamilya sa Odiongan at sa isla ng Banton, ipinagkaloob sa Odiongan ang “superior decree” na nagsasabing itinatag ito bilang isang nanatiling visita na pangangasiwaan ng Kura ng Banton. (Marcellan). Ang pagkatatag na isang nanatiling visita (remaining as a visita o sa wikang Kastila: quedando como visita) ay nangangahulugang ang Odiongan ay visita na noon pa.
Taong 1754 Noong Mayo 1754, sinalakay ng mga piratang Moro ang bayan ng Odiongan. Sinunog nila ang simbahan at mga bahay. Kinuha at binihag din nila ang 101 katao. (de la Concepcion). Ang pangyayaring ito ay halos 268 taon na ang nakaraan. Mas alam natin ang panirahanan ng 1810 at 1840 ng mga taga Banton pero ang Odiongan ay may simbahan na noong 1754.
Taong 1738 Noong 1738, ang Odiongan ay isang visita ng Romblon kasama ang bayan ng Cabolotan at Lalauan sa isla ng Tablas (Francisco).
Taong 1734 Pinakamatanda na patunay ay noong 1734, mga 288 taon na ang nakalipas. Sa mapa na gawa ni Padre Pedro Murillo Velarde ay nakasulat ang Oyiungan sa bandang kanluran ng isla ng Tablas malapit din sa lokasyon ng Odiongan ngayon (Inilarawan ko ito sa Serye 1). Nakasulat rin sa mapa ang Cabolotan at Lalauan. Isang patunay na ang Odiongan ay buhay na buhay na sa panahong ito. Masasabi natin ng may katiyakan na sa taong 1734 ang pinakamatandang katunayan na umiiral na ang bayan ng Odiongan.
Ang pagsasaliksik ay hindi natatapos. Maaring marami pang bagong impormasyon na lumutang sa hinaharap. Sundan niyo ang aking kolum dito sa Romblon Sun sa makulay na kasaysayan ng Romblon.







Add Comment