Babae tinaga ng isang lalaking lasing sa Kabesira
ROMBLON, Romblon – Isinugod sa Romblon District Ospital ang isang babae matapos itong mataga ng isang lalaking lasing nitong hapon ng Setyembre 27, 2023 sa Sitio Kamad-an, Barangay Ilauran, Romblon, Romblon.
Kinilala ang biktima na si Ana Magramo Galicha, 38 taong gulang, walang trabaho, may kinakasama, habang ang suspek ay nakilala na si Jemson Macatol Manzo, 24, binata, magsasaka at kapwa residente ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station (RMPS), ang suspek na umano’y nasa ilalim ng espiritu ng alak ay naghihintay sa bahay ng biktima upang yayain ito na makipag-inuman. Ngunit hindi pumayag ang live-in partner ng biktima na si Ryan Macatol Manzo. Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa. Pagkatapos ng kanilang sagutan ay umalis ang suspek at pagbalik nito ay may dala-dala na itong gulok at biglang tinaga ang biktima sa likuran na tinamaan sa kanang bahagi ng leeg.
Agad na isinugod sa Romblon District Hospital ang biktima para malapatan ng kaukulang lunas.
Habang ang suspek ay mabilis na tumakas pagkatapos ng nasabing insidente.
Isang follow-up operation ang isinagawa ng Romblon MPS para sa agarang pagkahuli sa suspek at pagkarekober sa kinamit na armas sa naturang krimen.
Kasong Attempted Murder ang inihahanda ng Romblon MPS na isampa sa Provincial Prosecutor’s Office
Romblon, Romblon laban sa lalaking suspek. (RSun Staff)