1 nasawi at tatlo ang sugatan sa gulo sa sayawan sa Romblon, Romblon
ROMBLON, Romblon – Patay ang isang menor de edad na estudyante at tatlo ang sugatan, kabilang ang dalawang Barangay Tanod matapos umanong mag manaksak ang estudyanteng suspek sa nangyaring kaguluhan sa ginanap na sayawan dakong 10:50 ng gabi, Oktubre 30, sa Barangay Ginablan, Romblon, Romblon.
Ang mga biktima ay kinabibilangan ng 17 taong gulang na senior high school na estudyante; 20 anyos na estudyante ng Romblon State University – Sawang campus at parehong residente ng Barangay Mapula, Romblon, Romblon, at dalawang Barangay Tanod ng nasabing barangay, habang ang itinuturong suspek ay isang 18 taong gulang na estudyante at residente ng Barangay Bagacay, Romblon, Romblon.
Base sa imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station, noong gabi ay may ginanap na sayawan sa covered court ng Barangay Ginablan, Romblon, Romblon kung saan ang biktima at ang suspek ay nagsasayaw sa nasabing kasiyahan.
Ayon pa sa ulat, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawang grupo na humantong sa suntukan.
Habang nagkakagulo ay bumunot umano ng patalim ang suspek at sinaksak ang isang biktima na tinamaan sa ibabang bahagi ng tiyan at sinaksak ang isa pa na nahagip sa ibabang bahagi ng kaliwang dibdib at leeg.
Agad na rumesponde ang dalawang Barangay Tanod na naroon at inawat ang kaguluhan, ngunit maging ang dalawa ay sinaksak rin ng suspek.
Nagtamo ng saksak sa kanang paa ang isang tanod habang ang kasama nito ay tinamaan sa bahagi ng kaliwang baywang.
Agad umanong tumalilis ang suspek sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Poblacion ng Romblon ngunit naharang ito at inaresto ni Pat. Jerome Mesana at dinala sa Romblon MPS kasama ang ginamit nitong armas sa krimen.
Nasa ilalim ngayon ng kustodiya ng Romblon MPS ang suspek na nahaharap sa iba’t-ibang kaso. (RSun Staff)