Welder nakoryente sa service wire ng ROMELCO sa Romblon
ROMBLON, Romblon – Nasunog ang kaliwang bahagi ng bandang puwitan at dalawang palad ng isang lalaking welder matapos na aksidenteng makoryente sa service wire ng ROMELCO dakong hapon ng Mayo 18 sa Sitio Binagong, Barangay Bagacay, Romblon, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Gregorio Rivero Mariveles, 53, may-asawa, welder, at residente ng Barangay Capaclan, Romblon, Romblon.
Ayon sa imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station, ang biktima ay nagtatrabaho at abala sa pangongolekta ng hindi ginagamit na mga bakal sa pangalawang palapag ng gusali ng Velco sa naturang barangay kung saan ay aksidente umano itong dumikit at nakoryente sa service wire ng ROMELCO.
Nagtamo ng pagkasunog ang kaliwang bahagi ng puwitan ng biktima at ang dalawang palad nito.
Agad naman itong dinala sa Romblon District Hospital para malapatan ng agarang lunas. (RSun Staff)