Pulis tinamaan ng sariling baril matapos itong mahulog at pumutok
ODIONGAN, Romblon – Tinamaan sa tiyan ang isang pulis na miyembro ng Quezon Provincial Mobile Force Company matapos pumutok ang nahulog nitong service firearm sa sahig dakong 8:00 ng umaga ng Abril 17 sa Peter’s Loft Hotel, Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang pulis na si PMSg Ruszel Christian Macalintal Hernandez, 35 taong gulang, may-asawa, PNP Personnel at kasalukuyag nakadestino sa PMFC Quezon at residente ng Balete, Batangas City.
Ayon sa ulat ng Odiongan MPS, ang biktima at ang dalawa nitong kasama na sina PSsg John Paolo Flavier at Ramiro De Castro Espejo, isang sibilyan ay naghahanda ng kanilang personal na kagamitan dahil sa umano’y mayroon daw silang aarestuhin na wanted na nakita sa nasabing lugar.
Noong kinuha umano ng biktima ang kanyang tuwalya kung saan nakapatong sa ibabaw nito ang baril na naka isyu sa kanya ay aksidente umano itong nahulog sa sahig at pumutok.
Tinamaan ang biktima sa tiyan at agad itong isinugod ng kanyang kasamahan sa Romblon Provincial Hospital (RPH).
Ang nasabing service firearm ng biktima ay narekober sa lugar ng insidente at isinailalim sa kustodiya ng Odiongan MPS para sa kaukulang disposisyon. (RSun Staff)