Pekeng pera ibinayad sa pag cash-in sa e-wallet sa isang tindahan sa Odiongan, suspek tiklo
ODIONGAN, Romblon – Nasakote ng taong bayan ang isang lalaki na nagbayad ng bugos na pera sa kanyang pagcash-in sa kanyang e-wallet nitong Sabado ng hapon sa isang tindahan sa Barangay Liwayway, Odiongan, Romblon.
Ang biktima ay kinilala na si Imelda Garcia Santiago, 50 anyos, may asawa, negosyante at residente ng Barangay Liwanag, Odiongan, Romblon, habang ang suspek ay napag-alaman na si Mark Joseph Romero Mariano, 25 taong gulang, may-asawa, walang trabaho at nakatira sa Barangay Calagonsao, Alcantara, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, pumunta umano ang suspek sa tindahan ng biktima upang magpa cash-in ng pera sa kanyang “G-Cash” account na nagkahahalaga ng P15,000.00.
Agad naman umanong pinadala ng biktima ang nasabing halaga sa g-cash account ng suspek. At noong binigay na ng suspek ang kanyang bayad na labinlimang (15) piraso na tig-isang libong papel ay napansin ng biktima na ang nasabing pera ay peke. Hinabol umano nito ang suspek at sabay hingi ng tulong sa mga naroon.
Nahuli naman ng taong bayan ang suspek at isinuko sa pulisya.
Narekober sa posisyon ng suspek ang isang kulay itim na sling bag na may laman na 25 piraso na pekeng isang libo (P1,000.00) na perang papel na magkaparehas ang serial number pati sa naunang ibinayad sa biktima.
Isinailalim sa kustodiya ng Odiongan MPS ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon.
Kasong paglabag sa Article 168 of RPC (Illegal possession and used of false treasury or bank notes and other instrument of credit) ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Korte laban sa suspek. (RSun Staff)