Mangingisda sinaksak ng dating kaalitan sa Cajidiocan, Romblon
CAJIDIOCAN, Romblon – Isang binatang mangingisda ang nasaksak sa tiyan ng dati nitong nakaalitan kaninang 4:00 ng hapon, Enero 24, 2024 sa Sitio Looc, Barangay Cambijang, Cajidiocan, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si John Riel Rocero Rada, 26 taong gulang, binata, mangingisda at residente ng Barangay Mabini, San Fernando, Romblon, habang ang suspek ay nakilala na si Nicho Virtoso Repil, 34 anyos, may kinakasama, at nakatira sa Sitio Candayaga, Barangay Cambijang, Cajidiocan, Romblon.
Sa ginawang imbestigasyon ng Cajidiocan Municipal Police Station, dakong 4:00 kaninang hapon sa dalampasigan ng Sitio Looc, Barangay Cambijang, Cajidiocan, Romblon, habang naghahanda na mangisda ang biktima, kasama ang tatay nito at iba pang kasamahang mangingisda, ay bigla na lang umanong nilapitan ng suspek ang tatay ng biktima na si John Rafol Rada at tinanong ito kung bakit daw siya (suspek) kinompronta noon ni Rada sa balsa.
Nagkaroon ng sagutan ang dalawa at nagalit umano ang suspek at bigla nitong binunot ang kutsilyo na nakalagay sa kanyang baywang. Nakita ito ng biktima at mabilis nitong hinawakan ang suspek at inawat, ngunit sinaksak siya ng suspek tiyan.
Pagkatapos ng insidente ay tumakas ang suspek, habang dinala naman sa Sibuyan District Hospital ang sinaksak na biktima.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Cajidiocan MPS para sa posibleng pagkaaresto sa suspek.
Napag-alaman na dati nang may alitan ang biktima at ang suspek. (RSun Staff)