Odiongan magiging unang 1st-class na bayan sa lalawigan ng Romblon
ODIONGAN, Romblon – Nakatakda na maging kauna-unahang first class na munisipyo sa lalawigan ng Romblon ang bayan ng Odiongan mula sa pagiging second class na bayan sa taong ito ng 2024.
Ang pagpapalit ng klasipikasyong ito ay resulta sa binuong batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr, na Republic Act 11964 o kilala na Automatic Income Classification of Local Government Unit Acts.
Sa ilalim ng nasabing bagong batas, ang isang LGU ay iuuri base sa kanilang nasasaklaw na income at average annual regular income. Ang unang general income klasipikasyon ay gagawin sa loob ng anim na buwan pagkatapos na maging epektibo ang batas na ito at muling gagawin sa bawat tatlong taon pagkatapos ng huling klasipikasyon.
Pasok sa pagiging first class na munisipyo, ang bayan ng Odiongan kung saan ay makakabilang ito sa makakuha ng administrative at statutory aids, financial grants at iba pang uri ng tulong mula sa pamahalaang national at iba pang mga programa at proyekto na nakasaad sa pinapairal na batas at regulasyon.
Ikinatuwa naman ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ang nasabing pagbabago na lalong magbibigay sigla sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng bayan ng Odiongan. At sa pagiging isang first class na munisipyo umano ng Odiongan ay mas madali itong makapaghikayat ng mga mamumuhunan na magtayo ng kanilang negosyo sa nasabing bayan.
Aniya pa, hindi na malayo na makakamit rin ng bayan ng Odiongan ang pagiging unang siyudad sa lalawigan ng Romblon sa nalalapit na panahon.
Sa tala ng audit report ng COA, ang bayan ng Odiongan ay nakapagtala ng kabuuang kita na P218 milyon sa taong 2021.
At base sa nakasaad sa Republic Act 11964, ang isang munisipyo ay kailangan na makaabot ng average annual regular income na Two hundred million pesos (P200,000,000.00) o mahigit pa para ihirang na isang first class na bayan. (Tony Miñano Macalisang)