Binata sa bayan ng Romblon natagpuang nakabitin sa kisame at wala nang buhay
Isang binatang mangingisda ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti gamit ang lubid nitong 8:00 ng umaga ng Setyembre 17, 2021 sa Sitio Santa Maria, Barangay Alad, Romblon, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Arnel M., 37 taong gulang binata, mangingisda at residente ng Sitio Lamao, Barangay Alad, Romblon, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station, sa nasabing petsa, oras at lugar ang biktima na may problema sa pamilya at dating nakaranas ng mental despresyon at nasa ilalim umano ng espiritu ng alak ay pumunta sa kanilang lumang bahay at nagpatiwakal.
Ayon pa sa ulat ng pulisya, ang walang buhay na katawan ng biktima ay nakitang nakabitin sa kisame habang nakapulupot ang lubid sa leeg nito, ni Federico Ibaṅez Dawatan, residente ng nasabing lugar habang ito ay nakisilong sa labas ng naturang bahay sa oras na iyon.
Sa pagsisiyasat sa katawan ng biktima, ito ay nagtamo ng hugis na markang V sa kanyang leeg at may nakitang gasgas sa bandang ibabang likuran ng kanyang katawan.
Napagpasiyahan ng pamilya ng biktima na hindi na isailalim sa post mortem examination ang bangkay ng biktima at kumbinsido na umano sila na nagpakamatay ang nasabing binata.