Senior Citizen sa Looc, Romblon, na hit and run, paa naputol
LOOC, Romblon – Durog ang kaliwang paa na isinugod sa ospital ang isang senior citizen matapos magulungan ng gulong ng sasakyang SUV ang paa nito habang nagpapahinga sa tabi ng kalsada noong 9:15 ng gabi ng Marso 14, 2026 sa National Road ng Barangay Limon Norte, Looc, Romblon.
Kinilala ang biktima na isang 66 taong gulang na lalaki, may-asawa, electrical technician at residente ng Sitio Masipag, Barangay Limon Norte, Looc, Romblon.
Base sa imbestigasyon ng Looc Municipal Police Station, pauwi na sa kanilang bahay ang biktima na umano ay nakainom ng alak. Nakaramdam umano ito ng pagod at naisipan na magpahinga sa tabi ng kalsada.
Samantala, isang sasakyan umano ang dumaan at aksidenteng nagulungan ng gulong ang kaliwang paa ng biktima na nagdulot ng malubhang pinsala sa paa nito.
Hindi man lang umano huminto ang drayber ng SUV para tulungan ang biktima sa halip ay tuloy-tuloy ito sa pagpapatakbo ng sasakyan.
Agad namang inasistehan ng mga residente ang biktima at humingi ng tulong sa kinaukulan.
Dinala ang biktimang senior citizen sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Barangay Punta, Looc, Romblon ng nagrespondeng mga tauhan ng Looc MPS at BFP Looc para malapatan ito ng agarang lunas.
Sa ginawang pag review sa CCTV footage ng Barangay Hall ng Limon Norte, Looc, Romblon napag-alaman na isang kulay puti na SUV ang dumaan na pinagdududahan na nakadisgrasya sa biktima.
Patuloy pang iniimbestigahan ng Looc MPS ang nasabing pangyayari upang matukoy at matiyak ang pagkakakilanlan sa suspek at sasakyan para masampahan ng kaukulang kaso. (RSun Staff)