Deprecated: The called constructor method for WP_Widget class in EV_Widget_Entry_Views is deprecated since version 4.3.0! Use __construct() instead. in /home/romblons/public_html/wp-includes/functions.php on line 6131
Mag-ama nasaksak sa lamayan, isa patay, isa sugatan - Romblon Sun
Home » Blog » Mag-ama nasaksak sa lamayan, isa patay, isa sugatan

Mag-ama nasaksak sa lamayan, isa patay, isa sugatan

SANTA FE, Romblon – Patay ang isang 32 anyos na lalaki at sugatan ang 55 taong gulang na ama nito  matapos masaksak sa lamayan dakong 10:40 ng gabi ng Hunyo 16, 2025 sa Sitio Bagong-Buhay, Barangay Guinbirayan, Santa Fe, Romblon.

Ang mag-amang biktima ay kinilala na sina alyas “Jay”, 32 taong gulang, may kinakasama, at si alyas “Dan” 55 taong gulang, may-asawa, welder at kapwa residente ng nasabing barangay, habang ang suspek ay nakilala na si alyas “Jun”, 42 anyos, meat vendor at residente ng Barangay Danao Sur, Santa Fe, Romblon.

Sa imbestigasyon ng Santa Fe Municipal Police Station, parehong dumalo sa isang lamayan ang mga biktima at ang suspek noong gabi kung saan ay bigla umanong nagkagulo.

Nakita umano ng suspek ang kanyang anak na nakipag-away sa mga biktima, kaya’t nilapitan umano niya ito para makialam, ngunit sinuntok umano siya sa mukha ng isa sa mga biktima.

Bumunot umano ng patalim ang suspek at sinaksak ng ilang beses ang biktima na tinamaan sa tiyan at kamay.

Sinaksak rin umano nito ang ama ng biktima sa tiyan na tutulungan sana ang anak na nasaksak.

Pagkaraan ng insidente ay tumakas ang suspek sa hindi batid na direksyon.

Kapwa dinala ang mag-ama sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa bayan ng Looc, Romblon ng mga nagrespondeng mga opisyal ng barangay para malapatan ng atensyong medical.

Sa kasamaang palad dineklara na dead on arrival ang biktimang si alyas “Jay” habang nasa maayos namang kalagayan ang ama nito na si alyas “Dan”.

Nagsagawa naman ng manhunt operation ang Santa Fe MPS na nagresulta sa pagkahuli sa suspek sa kanyang bahay.

Narekober sa posisyon ng suspek ang ginamit nitong patalim na “kitchen knife” na may haba na 12 pulgada.

Ang suspek at ang ginamit nitong armas ay dinala sa Santa Fe MPS para sa kaukulang disposisyon.

Kasong Homicide at Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng Santa Fe MPS laban sa suspek sa Provincial Prosecutor’s Office. (RSun Staff)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment