LALAKI TIMBOG SA ILEGAL NA DROGA
SAN FERNANDO, Romblon – Arestado ang isang lalaki sa isang buy-bust operation ng kapulisan dakong 6:04 ng hapon ng Setyembre 23, 2023 sa Barangay Panangcalan, San Fernando, Romblon.
Ang suspek ay nakilala na si John Kenneth Ramos Repil, 31 taong gulang, may kinakasama, walang trabaho at residente ng Barangay Otod, San Fernando, Romblon.
Sa imbestigasyon ng San Fernando Municipal Police Station (SFMPS), isang pinagsanib na buy bust operasyon ang ikinasa ng mga tauhan ng RPPDEU (lead unit), San Fernando MPS-MDEU, PDEA Romblon at PFEG SOU 4B laban sa suspek kung saan ay nagpanggap na Poseur Buyer at arresting officer si Pat Aldrin Suñer na matagumpay na nakabili ng pinaniniwalaang illegal na droga sa suspek.
Pagkatapos ng transaksyon ay agad na dinakip ng kapulisan si Repil.
Saksi sina Hon. Robert Rodelas at Hon. Ariel Royo, kapwa mga Barangay Kagawad ng Barangay Panangcalan, San Fernando, Romblon sa isinagawang imbentaryo at pagsiyasat sa suspek na nakuhaan ng ilegal na droga, pera, cellphone at motorsiklo bilang mga ibedensiya.
Nahaharap ang nasabing suspek sa paglabag sa RA 9165 na inihahanda na isampa sa Korte.
Ang suspek ay isinailalim sa kustodiya ng San Fernando MPS. (AMM)