MAGDIWANG, Romblon – Walang kawala at dinakip ng kapulisan ang naaktuhan na limang indibidwal kabilang ang isang babaeng senior citizen na nagsusugal gamit ang baraha dakong 4:30 ng hapon ng Nobyembre 26, 2023 sa Barangay Jao-asan, Magdiwang, Romblon.
Ang mga hinuling suspek na nakilala na sina Carina Mordedo Macatol, 60 taong gulang, may-asawa, maybahay; Arnold Macalipay, 45, may-asawa, tricycle driver; Saint Kyvin Docil Romion, 22, binata, laborer; Anjo Pisari Mingo, 25, may kinakasama, laborer at Rona Macatol, 29 taong gulang, may kinakasama, walang trabaho at pawang residente ng Barangay Jao-asan, Magdiwang, Romblon.
Ayon sa Magdiwang Municipal Police Station, nagsagawa umano ng anti-illegal operation ang kanilang mga tauhan kung saan ay kanilang naaktuhan ang naturang grupo na nagsusugal gamit ang baraha kaya’t ito ay kanilang hinuli dahil sa nasabing ilegal na aktibidad.
Narekober sa posisyon ng mga suspek ang dalawang (2) set ng baraha, table cloth na kulay green at pera na ginamit na pangtaya na nagkakahalaga ng P119.00.
Ang mga inarestong suspek ay dinala sa himpilan ng Magdiwang MPS kabilang ang mga nakuhang ebidensiya para sa kaukulang dokumentasyon.
Kasong paglabag sa PD 1602 ang inihahandang isampa ng Magdiwang MPS sa Provincial Prosecutor’s Office sa Romblon, Romblon laban sa mga suspek. (AMM)







Add Comment